‘Hitman’ ni VP Sara tutukuyin ng CIDG
MANILA, Philippines — Sinisimulan na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang imbestigasyon sa naging pagbabanta ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Ito naman ang sinabi ni CIDG Director PMGen. Nicolas Torre III kung saan sisikapin nilang tukuyin ang sinasabi ni Duterte na ‘hitman’ na kanyang kinausap na papatay kina Pangulong Marcos sa sandaling may mangyari sa kanya (Duterte).
“Yun talaga ang abot namin kung totoo nga bang may hitman, kung totoong baka naman walang hitman or baka naman yan ay figure of speech na naman. So yun ang ating mga titingnan diyan and we will be including all of those and considering those in our investigation.
Nilinaw ni Torre na insidente ang kanilang iimbestigahan at hindi ang bise presidente.
Ayon kay Torre, natanggap na niya ang utos ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil kung saan hihimayin nila ang mga impormasyon na humantong sa mga maaanghang na pahayag ni Duterte.
Sa katunayan, nakikipag ugnayan na sila sa Presidential Security Group upang matukoy ang ‘veracity’ ng impormasyon.
Tiniyak din ni Torre ang ‘impartiality’ sa kaso na itinuturing din ng National Security na Council na isang national security issue.
Samantala, sinabi naman ni PNP Public Information Office chief PBGen Jean Fajardo, wala pa silang namomonitor na banta kaya nasa normal alert level pa rin ang PNP.
Gayunman handa naman silang maglaan ng security personnel sa mga indibiduwal at opisyal na may banta sa buhay at kung hihilingin.
- Latest