Isla Puting Bato tupok sa sunog

Puspusan ang tulong ng mga residente at tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pag-apula ng sunog sa Isla Puting Bato na umabot sa 6 na oras.
Ryan Baldemor

3K residente apektado

MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 3,000 katao o 600 pamilya ang nawalan ng tirahan nang sumiklab ang sunog sa Isla Puting Bato, na katabi lamang ng Manila International Container Port (MICP), Barangay 20, Tondo, Maynila, kahapon.

Sa inisyal na ulat, alas-8:00 ng umaga nang magsimula ang sunog sa mga dikit-dikit na kabahayang pawang yari sa light materials sa Isla Puting Bato, Purok 3.

Mabilis na kumalat ang apoy kaya idineklara ang first alarm ng Bureau of Fire Protection (BFP) bandang alas-8:02 ng umaga at itinaas sa  Task Force Alpha alas-9:02 ng umaga, Task Force Bravo, alas-10:13 ng umaga hanggang sa ideklarang fire under control bandang alas-2:07 ng hapon.

Maraming truck ng bumbero mula sa BFP at volunteer groups ang tumulong.

Nagsagawa na rin ng heli-bucket operations ang  Philippine Air Force (PAF) sa pagdeploy ng mga aircraft kabilang ang Black Hawk, B205 at SOKOL helicopters na nagbuga ng tubig sa ere at fire boats sa Manila Bay.

Umalalay din ang mga tauhan ng Philippine Army sa mga tauhan ng Manila Police District para sa crowd control at seguridad sa lugar.

Nagsilikas naman ang mga nasunugan sa Del Pan Evacuation Center, na ayon sa Manila City Public Information Office ay nasa 600 pamilya.

Ilan sa mga nasunugan ang nakitang nakapaglikas ng mga ka­gamitan tulad ng washing machines, electric fan at mga damit, at kapansin-pansin ang paglikas pa sa isang nakaburol na bangkay.

Ang lokal na pamahalaan ng Maynila ay nagtalaga ng kanilang mga disaster responders at mga social worker para tulu­ngan ang mga evacuees at plano nang maghanap pa ng ibang lugar na maaring gawing pansamantalang matutuluyan.

“Titingnan natin kung may ibang lugar maliban sa Isla Puting Bato na pwede silang mag-resettle dahil talagang hindi ligtas para sa kanila ang lugar na iyon,” ani Lacuna.

Dagdag pa ng alkalde, hiniling niya sa konseho ng lungsod na isailalim sa state of calamity ang apektadong barangay.

Titiyakin din ni Lacuna na may cash aid, food at house reconstruction materials mula sa LGU at DSWD.

Show comments