MANILA, Philippines — Tila nakasisiguro na ng panalo sa 2025 election si incumbent Pasay City Mayor Imelda “Emi” Calixto-Rubiano laban sa katunggali nito sa pagka-alkalde ng lungsod matapos na manguna sa pinakahuling resulta ng Social Weather Stations (SWS) hinggil sa Survey Electoral Preference and Voting Attitudes sa Lungsod.
Lumilitaw na nakuha ni Calixto-Rubiano ang commanding voter preference na 79%, habang 13% lamang ang nakuha ng makakalaban nito sa pagka-alkalde na si Wowee Manguerra. Nasa 8% naman ang undecided.
Ayon sa SWS survey, maituturing na ‘heavy favorite’ si Calixto-Rubiano sa pagka-mayor, base sa pulso ng mga tinanong na botante ng Pasay City. Nangangahulugan na siyam sa 10 botante ang papabor sa alkalde kung ngayon na gagawin ang halalan.
Isinagawa ang survey noong Oktubre 26 hanggang 30, 2024 kung saan tinanong ang daan-daang registered voters mula sa iba’t ibang barangay ng Pasay City. Ang pag-aaral ng SWS sa voting preferences ay nagbibigay ng pananaw sa mga kagustuhan ng mga botante bago ang halalan.
Si Calixto-Rubiano ay muling tatakbo sa kanyang ikatlong termino bilang Alkalde ng Lungsod. Kilala ang alkalde sa kanyang natatanging istilo ng pamumuno at pamamahala sa pamamagitan ng kanyang pangunahing kampanya na “Tapat na Paglilingkod.”
Malinaw sa survey ng SWS na pumapabor ang muling panalo ni Mayor Calixto-Rubiano sa 2025 elections dahil sa solidong suporta ng mga Pasayeño.
Kilala rin ang SWS sa pagbibigay ng mahalagang impormasyon para gabayan ang publiko kung sinu-sino ang mga kandidatong karapat-dapat at mayroong epektibong hangarin na magsilbi sa taumbayan.