MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang construction worker sa pananaksak ng isang security guard na nakatalaga sa construction site, sa Quiapo, Maynila, Linggo ng madaling araw.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang suspek na si alyas “Michael”, 29-anyos, residente ng Barangay Ugong, Valenzuela City, sa reklamong paglabag sa Article 249 ng Revised Penal Code (Attempted Homicide) na inihain ng biktimang si alyas “Joel”, 52, residente ng Dagupan, Tondo, Manila.
Sa ulat ng Manila Police District-Station 14 (Barbosa), dakong alas 2:00 ng madaling araw ng Nobyembre 24 nang maganap ang insidente sa construction site na matatagpuan sa Arlegui St. cor. Farnecio St., Brgy. 385, Quiapo.
Nabatid na nag-ugat ang pananaksak nang sitahin ng sekyu ang construction worker sa pagpasok nito sa site ng lasing, na mahigpit na ipinagbabawal umano.
Ikinagalit ng suspek na nauwi sa pagtatalo hanggang sa tinangkang agawin ang service firearm ng sekyu.
Naglabas ng kutsilyo ang suspek at ilang beses inatake ang sekyu na alerto naman sa pagdepensa bagamat nasugatan din bago nadisarmahan ang suspek.
Dinala ng sekyu ang lasing na suspek sa barangay bago itinurn-over sa police station.