Ulo ng mga biktima dinurog
MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang mag-ina sa Valenzuela City matapos na pagpupukpukin ng matigas na bagay sa ulo hanggang sa mamatay ng umano’y addict nitong Martes.
Basag ang mga ulo at naliligo sa kanilang sariling dugo ang mga biktimang sina Janice Joy Castro, 43 at 6-anyos na anak na lalaki nang matagpuan sa loob ng bahay Martes ng gabi.
Sa report ng Valenzuela City Police, posibleng nangyari ang krimen bandang alas-12 ng tanghali sa bahay ng mga biktima.
Bago ito, sinabi ng isang lalaking anak ng biktima na bandang alas 8:30 ng umaga ng Nobyembre 19 nang dumating sa kanilang bahay ang suspek na si Michael Serbidad Francisco at hinahanap ang kanyang inang biktima.
Nakuhanan naman sa CCTV sa lugar ang pag-alis ng mag-inang biktima na sinusundan ng suspek bandang 9:51 ng umaga hanggang sa pag-uwi kasunod pa rin nag suspek bandang alas 11 ng tanghali.
Isang saksi rin ang lumutang at sinabing nakiusap ang biktima na manuluyan sa kanyang bahay dahil sa takot sa suspek at pilit siyang pinagagamit ng shabu. Pumayag ang saksi subalit makalipas ang ilang minuto nagpaalam ang biktima na bibili ng ulam hanggang sa tuluyan na rin pala itong umuwi.
Bandang ala-8:30 ng gabi nang umuwi ang anak ng biktima na si “Jien” at napansin ang duguang paa ng kapatid na 6-anyos.
Dito tumambad ang bangkay ng kapatid na may mga sugat sa ulo bunsod ng mga palo ng matigas na bagay.
Hinanap ni Jien ang ina subalit nagulat ito ng makitang patay na rin, may palo sa ulo at may busal na damit sa bibig.
Humingi ito ng tulong sa mga kapitbahay at pulisya hanggang sa puntahan ang suspek sa lamay kanyang ama sa Bulacan.
Posible umanong nanlaban ang mga biktima at nagkahabulan hanggang sa paglalaluin sa ulo ng suspek.
Sa follow operation ng mga pulis sa Bulacan, sinabi ng mga kaanak ng suspek na dumating ang huli at nagmamadaling nagbalot ng mga damit. Inamin din ng suspek na nakapatay siya ng tao sa Valenzuela.
Nailibing na ang mga biktima subalit tugis pa rin ng mga pulis ang suspek.
Umapela naman ng tulong ang mga kaanak.ng biktima kay Mayor Wes Gatchalian.