MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaking naghuramentado nang matiyempuhan ng mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Manila Police District (MPD), sa Baseco Compound, Port Are, Manila, kahapon ng umaga.
Ang suspek na si alyas “Malvin”, 45, at resident ng Barangay 649, Baseco Compound ay nakatakdang isalang sa inquest proceedings sa Manila City Prosecutor’s Office sa paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms Law and Ammunitions).
Sa ulat, alas-10:15 ng umaga ng Nobyembre 23 nang arestuhin ang suspek sa nasabing lugar.
Nag-iikot ang TMRU sa lugar para sa anti-criminality operation sa Block 15 nang masalubong ang mga tao na nagtatakbuhan at may nagsumbong na may nagwawalang lalaki na may hawak na baril.
Nang alamin, nakita ang suspek na sumisigaw na tila may kaaway habang hawak ang isang improvised handgun.
Sa kabila ng pakiusap ng mga pulis na sumuko, nagtatakbo ang suspek hanggang sa makorner.