MANILA, Philippines — Umapela si Department of Social Welfare and Development (DSWD) spokesperson Irene Dumlao sa publiko na huwag magbigay ng limos sa mga indibiduwal na nasa lansangan.
Ang panawagan ni Dumlao ay kasunod ng mga reklamong kanilang natatanggap na nagkalat ang mga namamalinos sa lansangan ngayong papalapit ang Kapaskuhan.
Ayon kay Dumlao hindi dapat na kunsintihin ng publiko ang pamamamalimos ng ilang indibiduwal dahil mas nalalagay sa peligro ang kanilang buhay.
Nilinaw nito na ang pagbibigay ng limos sa mga street individual at religious organization na isinasagawa sa kalsada ay ipinagbabawal alinsunod sa Presidential Decree No. 1563, o Anti-Mendicancy Law.
Sa halip aniya na magbigay ng pera o limos ay magbigay na lamang ng tulong sa ibang paraan tulad ng gift-giving, feeding sessions, medical missions, storytelling sessions, at group caroling na may koordinasyon sa Local Government Units.
Nasa 3,354 na ng mga namamalimos sa lansangan ang natulungan ng DSWD mula sa 8,560 katao na na profile ng ahensiya.