MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang naging banta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, First Lady Liza Araneta Marcos at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sa inilabas na pahayag ng PNP, sinabi ni Marbil na lahat ng banta ay kanilang sineseryoso ang anumang banta o pagtatangka sa seguridad at kaligtasan ng Pangulo gayundin ng lahat ng opisyal ng pamahalaan.
Aniya, inatasan na niya si CIDG chief PBGen. Nicolas Torre III na siyasatin ang lahat ng anggulo at motibo sa mga banta ni VP Sara.
Binigyang diin ng PNP Chief na anumang uri ng banta laban sa Pangulo ng Republika, maging ito ma’y direkta o hindi ay dapat na binibigyan ng agarang pag-aksyon.
Ani Marbil layon lamang nilang maging ligtas ang lahat mula sa anumang banta at krimen.
Titiyakin nila ang kapayapaan at kaayusan ng bansa at kanilang ipatutupad ang batas, maging sinuman ang nagtatangkang sirain ito alinsunod sa mga umiiral na batas.