7-anyos nabaril ng menor de edad na kapatid, todas

Hindi ibinunyag ang pangalan ng biktima at ng binatilyong kapatid dahil menor-de-edad gayundin ang ama na miyembro ng Philippine National Police (PNP) na may-ari ng service firearm na .9mm Beretta.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Patay ang isang 7-taong gulang na batang lalaki nang aksidenteng tamaan ng bala habang natutulog sa kanilang silid, sa Tondo, Maynila.

Hindi ibinunyag ang pangalan ng biktima at ng binatilyong kapatid dahil menor-de-edad gayundin ang ama na miyembro ng Philippine National Police (PNP)  na may-ari ng service firearm na .9mm Beretta.

Batay sa Manila Police District-Homicide Section, Nob­yembre 21, 2024 alas 6:00 ng gabi nangyari sa Leandro Ibarra St., Barangay 35, Tondo, naganap ang insidente.

Sa naging pahayag ng ina sa panayam ng TV reporter, umalis siya ng bahay na natutulog ang anak at dinatnan na niyang patay sa ospital.

Sa imbestigasyon, ang baril ng pulis ay nakalagay umano sa isang locker at kinuha ng 13-anyos na binatil­yong anak.

Sa hindi maliwanag na dahilan, pumutok ang baril na unang tumama sa dingding at tumagos sa katabing silid kung saan natutulog ang biktima.

Nakitang may tama ng bala sa kaliwang likod ang biktima na naisugod pa sa pagamutan kung saan idineklarang patay.

Matinding problema ang kinakaharap ng pulis dahil sa pagkawala ng anak na bunso, pagkasangkot ng isa pang anak sa krimen, bukod sa kasong administratibo at kriminal na inaasahan.

Show comments