Idedeposito sa bangko
MANILA, Philippines — Tatlo katao, kabilang ang isang Australian national ang ipinaaresto ng isang commercial bank sa tangkang pagdeposito ng mga pekeng dolyar na may katumbas na higit P20 milyon, sa Makati City, nitong Miyerkules.
Sa ulat na isinumite kay Southern Police District (SPD) Director PBrig. General Bernard Yang, ang mga suspek na sina alyas Emmanuel, 42, Australian national; alyas Jessirise, 59, HR ng isang foundation; at isang alyas Imelda, 59, retired accountant, ay inaresto alas-2 ng madaling araw kahapon matapos na mabuking na peke ang mga dolyar na ipinasok sa isang bangko, sa Arnaiz Avenue, sa Barangay San Lorenzo, Makati.
Nabatid na alas-2:40 ng hapon nang ideposito ng mga suspek ang $496,000.00 na tig-$100 bills o halos P30 milyon. Ipinasuri ang mga dolyar sa representative ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at natukoy na pawang peke.
Agad nakipag-ugnayan sa Makati Police Station ang security officers na nakatalaga sa nasabing bangko kaya nadakip din agad ang mga suspek.
Nahaharap ang mga suspek sa pormal na reklamong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code (Illegal Possession and Use of False Treasury or Banknotes and Other Instruments of Credit).
Nanawagan si Yang sa publiko na maging maingat lalo na ngayong Kapaskuhan na posibleng magkalat na naman ang mga pekeng pera at ingatan ang mga transaksyon sa mga tinatanggap na banknotes sa personal na transaction o ATM.