MANILA, Philippines — Hinamon ni San Juan City Mayor Francis Zamora si Senator Jinggoy Estrada na patunayan ang alegasyon nitong may 30,000 flying voters sa lungsod.
Sa ipinatawag na press conference ni Zamora kahapon, sinabi nito na hinahamon niya ang Senador na maghain ng exclusion sa korte kasabay ng pahayag na walang flying voters sa lungsod.
Aniya, sasamahan pa niya ang senador sa pagtukoy sa mga pangalan ng flying voters at sa mga tirahan nito.
“Kung matapang kayo sa senado tingnan natin ang tapang nyo sa labas ng senado at huwag magtago sa parliamentary immunity,” ani Zamora
Pahayag pa ni Zamora, hindi na Estrada country ang San Juan dahil simula nang manalo siya noong 2019 at hanggang sa kasalukuyan ay makikita ang malalaking pagbabago sa lungsod, kumpara sa halos 50 taon na pinamahalaan ng mga Estrada.
Aniya, limang beses na siyang tinitira ni Estrada at kapatid na si Senador JV ng walang sapat na dahilan at batayan. Nais lamang umanong sirain ng mga Estrada ang kanyang pagkatao.
Matatandaang noong Lunes ay nagsabi si Jinggoy na nakakaalarma ang “highly irregular” na pagtaas ng registered voters sa San Juan.