MANILA, Philippines — Matatanggap na anumang araw mula ngayon ng mga empleyado ng Manila City Hall ang kanilang 13th month pay.
Ito naman ang inanunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa idinaos na regular na flag raising ceremony nitong Lunes kasabay ng pahayag na hindi nila malilimutan ang obligasyon sa mga empleyado sa kabila ng tambak na trabaho.
Batay sa ulat ni City Treasurer Jasmin Talegon kay Lacuna-Pangan, nasa 10,000 regular employees na nagtatrabaho sa Manila City government ang pagkakalooban ng 13th month pay at karagdagan pang insentibo.
Kaugnay nito, hinikayat naman ng alkalde ang mga empleyado na maging wais sa paggastos ng kanilang pinaghirapang pera. Dapat rin aniya nilang pasalamatan ang Panginoon dahil mayroon silang permanenteng trabaho.
“Kaya po pakiusap ko lang po, mahalin natin ang ating gawain, maglingkod tayo ng tapat at totoo nang sa gayon naman po ay maramdaman din ng ating mga kababayan, lalo na po yung mga hirap sa kanilang buhay, na meron po silang isang pamahalaan na tunay na nagkakalinga sa kanila,” ani Lacuna-Pangan.