MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkaalarma si Pasay City Councilor at Mayoral bet Wowee Manguerra sa “bloated” na pondo ng lungsod para sa 2025 na aabot sa P9 bilyon kung saan malaking bulto ng alokasyon ay sa City Health Office at Pasay General Hospital.
Ayon kay Manguerra, nagsasagawa sila ng budget deliberation nang mapansin niya ang malalaking pondong inilalaan ng city government sa healthcare na hindi naman naramdaman ng mga residente bukod pa sa nararanasang kakulangan sa hospital rooms at medical facilities.
Tinukoy nito ang P1,071,072,472.53 pondo para sa City Health Office at P930,894,641.15 para sa Pasay City General Hospital.
“Bakit tayo may bloated na budget ngunit kulang pa rin sa serbisyong medical,” ani Manguerra.
Kinuwestyon din nito ang malaking alokasyon para sa Office of the Mayor na aabot sa P3,871,369,674.37 at maging sa University of Pasay, P128,058,012.01 at Pasay Social Welfare Department (PSWD) P178,653,595.28 na hindi sapat ang benepisyong natatanggap tulad ng ibang siyudad sa Metro Manila.
Tiniyak ni Manguerra na kanyang patuloy na babantayan ang budget deliberation kasabay ng panawagan na magkaroon ng transparency sa budget process ng lungsod kung saan iminungkahi nito na isapubliko ang deliberasyon sa pamamagitan ng Facebook live.
Iminungkahi rin ng konsehal sa mga department heads ang maayos na breakdown ng pondo sa power point presentation upang makita ng taumbayan kung saan saan napupunta at ginagamit ang pondo.