Mandatory registration ng private social media accounts sa 2025 NLE, inalis na ng Comelec
MANILA, Philippines — Hindi na kinakailangan pa ng mga pribadong indibidwal na nais mag-endorso ng kandidato para sa 2025 National and Local Elections (NLE) na irehistro ang kanilang social media accounts.
Ito’y dahil inalis na ng Commission on Elections (Comelec) ang mandatory registration ng privately-owned accounts bunsod na rin ng posibilidad na malabag nito ang ‘freedom of expression.’
Nabatid na inamiyendahan ng Comelec ang Resolution No. 11064 na nagsasaad na kailangang irehistro ang lahat ng opisyal na social media accounts at pages, websites, podcasts, blogs, vlogs, at iba pang online at internet-based campaign platforms ng mga kandidato, partido, kanilang campaign teams, at maging pribadong indibidwal o entities, na nag-e-endorso ng kandidato para sa halalan.
Bukod dito, inalis na rin ang required submission ng notarized affidavit ng isang pribadong indibidwal na nagsasaad na hindi niya isusulong ang maling paggamit ng social media at online election campaign, gayundin ng mga sanctions, sakaling mabigo silang tumalima dito.
Itinakda na ng Comelec sa Disyembre 13, 2024 ang pagrerehistro ng social media accounts para sa nalalapit na halalan.
- Latest