MANILA, Philippines — Mas palalakasin at paiigtingin pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang kakayahan sa cybercrime investigation matapos ang pagtatapos ng Introduction to Cybercrime Investigation Course (ICIC).
Pinangunahan ni PBGen. Rolly Octavio,Chief Regional Staff sa NCRPO Grandstand, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City ang pagtatapos ng ICIC ng nasa 50 pulis mula sa limang police districts, Regional Headquarters at Regional Mobile Force Battalion.
Nabatid na layon ng ICIC program na masawata ang cybercrime, matukoy ang mga nasa likod nito at paghimay sa mga kaso na naaayon sa batas.
Dahil sa makabagong panahon, sinabi ni Octavio na dapat nang tutukan ang cybercrime lalo pa’t mas ginagamit at isinasagawa na ng mga sindikato at kriminal ang panloloko at pananamantala online.
Ayon kay Octavio, sa pagtatapos ng 50 pulis, marami na ang hahawak at mag-iimbestiga sa mga cybercrimes na inilalapit sa PNP.
Aniya, kailangang malutas ang bawat kaso ng cybercrime na panganib sa bawat Pilipino.
“As you step forward with these new skills, remember that you carry the public’s trust and expectations. In line with the CPNP’s guiding principle, Sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng pulis, Ligtas Ka,” ani Octavio.
Dagdag pa nito, hindi lamang pagpapatupad ng batas ang tungkulin ng pulis kundi pagbibigay seguridad sa publiko kabilang ang digital age.