2 namemeke ng OR/CR, timbog
MANILA, Philippines — Timbog sa mga ahente ng Land Transportation Office (LTO) at Criminal Investigation and Detection Group Quezon City Police District Field Unit (CIDG-QCPDFU) ang dalawang suspek na umano’y gumagawa ng mga pekeng motor vehicle documents sa ginawang operasyon sa Prima Building kanto ng Magalang St at East Avenue, Barangay Pinyahan QC.
Kinilala ang mga suspek na sina Cherry Ann Imperial, 36 ng Novaliches, Quezon City at Crispolo Hermida, 54 ng Montalban, Rizal.
Nakuha mula sa mga ito ang marked money na gamit sa entrapment, falsified OR/CR, laptop, printer at isang mobile phone.
Ang pagkakahuli sa dalawa ay ginawa nang makumpirmang may malawakang fabrication at printing ng mga pinekeng Official Receipts at Certificate of Registrations ng mga sasakyan.
“We have intensified our intelligence monitoring against fixers and those engaged in illegal activities involving LTO documents, as well as those manufacturing fake license plates. And through this, we were able to identify a person engaged in fabrication of OR/CR and his location,” ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza.
Lumilitaw na miyembro ng Cris Falsification Group ang mga suspek na may kinalaman sa pamemeke at pagbebenta ng pinekeng private at public documents tulad ng OR /CR ng sasakyan.
Ang mga suspek ay nakakulong na sa CIDG-QCPDFU office sa Camp Karingal.
- Latest