MANILA, Philippines — Arestado ang tatlong lalaki kabilang ang riding-in-tandem matapos na makuhanan ng baril sa checkpoint na isinagawa sa Sta. Mesa at Binondo, Maynila nitong Biyernes.
Ala-1:45 ng madaling araw nang dakpin si alyas Raymond, 39, residente ng Espeleta St., Sta Cruz, Manila, sa Tambakan St., kanto ng Tetuan St., Binondo.
Nabatid na nag-iikot sa kanilang hurisdikyon sina PCorporal Rodell Lafradez at Patrolman Saidamen Pangandag ng Gandara Police Community Precinct, nang matiyempuhan ang suspek na may hawak ng pen gun na may isang bala.
Bandang alas-8 ng umaga rin ng Biyernes nang maispatan naman sina alyas Utoy, 33, ng residente ng San Andres Bukid at alyas Malong, 47, residente ng San Jose Del Monte, Bulacan, sa harapan ng Savemore supermarket, sa Nagtahan corner Ramon Magsaysay Boulevard .
Unang nasita ang dalawa dahil sa kawalan ng helmet habang sakay ng motorsiklo kaya hiningi ang lisensya sa isinasagawnag Oplan Sita, sa nasabing lugar
Natuklasan na walang lisensya ng pagmamaneho si Malong kaya hiniling na maglabas ng Official Receipt and Certification of Registration (OR/CR).
Sa pagbukas sa compartment ng motorsiklo ay nahulog ang isang silver na kalibre .22 na walang serial number.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Manila City Prosecutor ang tatlong suspek sa paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).