MANILA, Philippines — Bantay-sarado sa mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nasa 246 dayuhan at Pilipinong drug convicts bilang suporta sa “Bloodless Drug War” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa binuong inter-agency task force na ‘Sanib-Pwersa’, sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang, Jr. itinalaga si Deputy Director for Operations, Asec. Gil Torralba bilang hepe na tututok sa mga high profile drug convicts na kinabibilangan ng 134 na Chinese, 7 Hong Kongese, 20 Taiwanese, 1 Canadian, 2 Iranian, 3 Korean, 1 Nigerian, at 78 Pilipino.
“Our initiative, guided by Justice Secretary Crispin Remulla and aligned with the campaign of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla to cut-off the supply chain of illegal drugs, will be focused, hardened and robust,” ani Catapang.
Ipinaliwanag niya na ang person deprived of liberty (PDLs) na sangkot sa drug-related offenses na nasa iba’t ibang prisons at penal farms ay ililipat sa SuperMax facility sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF).
Nabatid na may code na “Robust” para sa karagdagang aktibidad ng inter-agency habang “hardened” naman dahil sa ipoposteng 200 miyembro ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) sa SPPF at ang pokus nito ay para sa nakapiit na convicted sa iligal na droga.
Iniutos din ni Catapang sa lahat ng corrections officers na nakatalaga sa SPPF na magkakaroon ng weekly rotations upang maiwasan ang masyadong pamilyar sa mga preso, at upang maipatupad ang direktiba ni Justice Secretary Crispin Remulla.
Aniya, nasimulan na ang relokasyon ng high profile inmates mula sa New Bilibid Prison patungo sa SPPF noong Hulyo ng nakalipas na taon.
Ibinigay na rin ni Catapang sa inter-agency task force ang detalyadong listahan ng 5,890 PDLs convicted sa drug offenses na nasa NBP, sa layuning ma-identify ng mabuti ang mga indibidwal na sangkot pa rin sa iligal drug trade upang maging prayoridad sa paglilipat sa SPPF.
Kahapon ay may 100 PDLs ang mula sa NBP ang nailipat sa Pasugui-Sub Colony sa SPPF, at susundan ito ng paglilipat pa ng 200 sa loob ng linggong ito at 300 naman ang nakalinya para irelocate sa katapusan ng buwan.