11 SAF troopers sa ‘moonlighting’ sibak

Kabilang dito sina PLt. Col. Joseph Bagsao, PCpt. Dale Andre Duterte, PCpt.Roy Plenos, PCpt. Jesttony Asanion, PLt. Aaron Tudlong PLt. Michael Misa, Executive Master Sergeant Aaron Turano, Senior Master Sergeant Edmark Mabini, Senior Master Sergeant Albert Gandipon, Corporal George Mabuti at Patrolman Robert Valdez.
The STAR/KJ Rosales, file

MANILA, Philippines — Sibak sa serbisyo ang 11 opisyal ng  Special Action Force (SAF)  matapos na mapatunayang sangkot sa ‘moonlighting’ activity o nagbigay ng  seguridad sa ilang  Chinese kamakailan sa Muntinlupa City.

Kabilang  dito sina PLt. Col. Joseph Bagsao, PCpt. Dale Andre Duterte,  PCpt.Roy Plenos, PCpt. Jesttony Asanion, PLt. Aaron Tudlong PLt. Michael Misa, Executive Master Sergeant Aaron Turano, Senior Master Sergeant Edmark Mabini, Senior Master Sergeant Albert Gandipon,  Corporal George Mabuti at Patrolman Robert Valdez.

Ang pagsibak sa mga ito ay kasunod ng pag- apruba at pirma ni  Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa rekomendasyon ng Internal Affairs Service (IAS).

Batay sa  imbestigasyon ng  IAS, napatunayang nagkasala sa kasong grave misconduct, dishonesty, grave irregularity in the performance of their duties and conduct unbecoming of a police officer ang  mga naturang pulis.

Suspendido naman ng 31 araw si PCpt. Mark Victor Pineda dahil sa simple neglect of duty at less grave neglect of duty habang absuwelto naman sina PCpt. Julius Tacay, Chief MSgt. Leolio Calasang at Cpl. Rusty Araya dahil sa  kawalan ng sapat na ebidensiya.

“We are committed to upholding the highest standards of professionalism and accountability, and those who fail to uphold these values will be held accountable,” ani Marbil.

Hindi nila kukunsintihin ang masamang gawain at katiwalian ng mga pulis.

Nag-ugat ang kaso noong Mayo 18  matapos na magpang-abot  at magsuntukan ang dalawang SAF member sa Ayala-Alabang Village sa Muntinlupa City.

Dito nabuking ang  pagmo-moonlighting ng mga SAF troopers bilang security ng mga Chinese na  dawit sa operasyon ng Philippine offshore gaming operator (POGO).

Lumitaw na itinalaga ang mga pulis ng kanilang  battalion commander sa mga Chinese na isang paglabag sa PNP rules.

Show comments