Direktor, todas sa salpok ng delivery van

MANILA, Philippines — Isang managing director ang binawian ng buhay habang sugatan naman ang isang deli­very rider nang mahagip ng delivery  van ang kanilang mga motorsiklo ka­makalawa sa Antipolo City.

Dead-on-arrival sa Antipolo Annex Mambugan Hospital ang biktimang si Lesley Tuazon, 47, managing director, at residente ng Pasig City bunsod ng matinding pinsala sa ulo at katawan habang sugatan  naman ang Joy Ride rider na si Chel Jone Merino, 28.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang hindi pa kilalang driver ng isang Elf dropside vehicle na hindi naplakahan at mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Lumilitaw sa inisyal na ulat ng Antipolo City Police Station na dakong alas-11:30 ng tanghali ka­makalawa nang maganap ang insidente sa Marcos Highway, malapit sa Joy Ride Office, Brgy. Mayamot, Antipolo City.

Nakuhanan ng CCTV sa lugar na bago ang insidente ay binabagtas ni Tuazon ang inner lane ng naturang lugar, lulan ng kanyang pulang Ducati na big bike, at may plakang 818 UXQ, mula Sta. Lucia patungong direksiyon ng Masinag.

Kasabay ni Tuazon si Merino, na sakay naman ng isang Titan brown Yamaha Sniper motorcycle na may plate number na 386QKT.

Subalit pagsapit sa naturang lugar ay bahagya umanong kumabig pakanan ang Elf na minamaneho ng suspek, sa ikalawang linya ng kalsada, at dito nahagip ang mga motorsiklo ng mga biktima.

Dahil dito, nawalan ng kontrol ang mga rider sa kanilang motorsiklo, at kapwa sumemplang sa kalsada at nasugatan.

Sa halip hintuan at tulungan, pinahuhurot pa ng suspek ang delivery van at tumakas.

Nangangalap na rin ng   CCTV at iba pang saksi ang pulisya upang matukoy ang suspek.

Show comments