BuCor gagamit ng 2 modernong body scanner

Ipinakita sa media  nina Bureau Of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang, Jr., (kanan) at Chief Inspector ­Eduardo Gogorza, OIC Directorate for Security and Operations ang dalawang bagong So­ter RS full-body scanner na may kakayahang makakita ng kontrabando na nakatago sa loob ng katawan ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Kuha ni Ludy Bermudo

Katiting na kontrabando walang lusot

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Bureau of Corrrections (BuCor) na hindi makakalusot sa kanilang dalawang modernong body scanner ang katiting na mga kontrabando na tinatangkang ipasok ng mga dalaw.

Ang paniniyak ay ginawa ni Director General Gregorio Pio Catapang, Jr., kasabay ng paggamit nila ng dalawang bagong Soter RS full-body scanner.

Ayon kay Catapang, ang nasabing scanner ay may kakayahang makakita ng anumang uri ng hindi awtorisadong mga bagay na nakatago sa loob ng katawan ng tao gaano man ito kaliit.

Ilalagay ang scanners sa pasukan ng National Headquarters’ Administrative Building at sa Inmate Visiting Services Unit ng Maximum Security  Camp sa New Bilibid Prison.

Dahil dito, hindi na kailangan pa ang manu-manong pagkapkap sa mga dalaw ng mga persons deprived of liberty (PDLs).

Aniya, ang mga naturang advanced scanner ay maaaring maka-detect ng mga bagay na natutunaw, nakatago sa ilalim ng damit, o nakatago sa loob ng kanilang mga pribadong bahagi.

Sinabi pa ni Catapang na plano nilang bumili ng karagdagang mga scanner para sa deployment iba pang piitan at penal farm sa buong bansa.

Noong Mayo ng taong ito, itinigil ng Catapang ang mga strip at cavity search sa mga bisita ng PDL matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa dalawang asawa ng mga bilanggo, na humantong sa pagrepaso sa mga pamamaraan sa pakikipagtulungan sa Commission on Human Rights (CHR).

Nilinaw ni Catapang na nagpatupad ang Bureau ng strip at cavity searches dahil sa pagtaas ng mga bisitang nagtatangkang magpuslit ng mga kontrabando sa correctional facilities, tulad ng mga cellphone, charger, tabako, at ipinagbabawal na gamot na nakatago sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Show comments