MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang Korean national na nagsabwatan sa pagnanakaw, pananakit, at pagbabanta sa kanilang kababayan, sa Parañaque City, Linggo ng madaling araw.
Nasa kostudiya Parañaque City Police Tambo Sub-station 2 ang mga suspek na sina alyas “Geon”, 28 taong gulang; at alyas “Park”, 28.
Sa ulat ni Parañaque City Police Chief, PColonel Melvin Montante, alas-4:58 ng madaling araw ng Nobyembre 10, 2024 nang madakip si Geon sa condominium unit sa Tambo, Parañaque, ng biktimang si alyas “Changhyeon”, habang si Park ay naaresto sa isinagawang follow-up operation.
Ayon sa biktima, ang suspek na si Geon ay kinupkop niya na tumira sa kaniyang condo unit nang makiusap na wala siyang matuluyan at wala ring trabaho.
Noong Nobyembre 9, alas-9:00 ng umaga nang palihim na papasukin ni Geon si Park sa condo ng biktima at sinaktan habang nakatutok ang kutsilyo sa pwersahang pagkuha ng wallet ng biktima na naglalamang ng P40,000.00, cellphone, at VIP card.
Pinilit din umano ng dalawang suspek ang biktima na ibigay sa kanila ang PIN code ng VIP card at nai-withdraw ang P100,000.00.
Bumalik pa sa condo ng biktima si Geon para magnakaw ng iba pang gamit subalit sa pagkakataong iyon ay nakatakas na ang biktima na agad nagpasaklolo sa mga awtoridad.
Naabutan sa condo unit ang suspek at ikinanta na rin ang kinaroroonan ng kasabwat na si Park.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang dalawa Parañaque City Prosecutor’s Office.
“Our officers acted swiftly and efficiently to apprehend the suspects. We are committed to protecting every member of the community, including foreign nationals, against any crimes.”ani Southern Police District Director PBrig. General Bernard Yang.