MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Epidemiology and Surveillance Division ng Quezon City Health Department na magaling na ang ika anim na residente ng QC na nagkaroon ng Mpox sa lungsod.
Sa panayam kay Ms Sara Conclara ng Mpox Surveillance Unit,makaraan ang ilang linggong gamutan ay gumaling na ang patient number 6 ng lungsod.
Aniya hinihintay na lamang nila na makakuha ng clearance mula City Health Department ang pasyente upang mapayagan na siyang makahalubilo ng publiko.
Sinabi ni Conclara na batay sa kanilang ginawang pagsasaliksik sa kaso ng pasyente, ito ay wala namang naging close contact dahil ang pasyente ay work from home.
“Puwede na siyang makalabas ng kanyang bahay , hinihintay na lamang natin ay ang issuance ng kanyang clearance para maging normal na ulit ang pakikihalubilo niya sa mga tao” ani Conclara.
Sa ngayon naman anya ay wala nang iba pang namomonitor na taga-QC ang nagkaroon ng Mpox.