Dalaw sa Valenzuela City Jail, timbog sa ‘pasalubong’ sa kaibigang PDL
MANILA, Philippines — Dalawang lalaking dalaw sa Valenzuela City Jail ang dinakip ng Valenzuela City Police matapos na tangkaing magpasok ng shabu sa kulungan sa nitong Huwebes ng umaga.
Sa report na tinanggap ni Valenzuela City Police chief PCol. Nixon Cayaban, dadalaw si alyas Bryan, 20, residente ng Quezon City sa isang detainee na si Angelito sa nasabing piitan nang mabuking ang dala nito ‘pasalubong’.
Dumaan sa inspeksiyon ni Jail Officer 1 Arby Ramirez ang dalang pagkain ng suspek na nakalagay sa isang transparent plastic container.
Mula sa dala nitong plastic, nadiskubre ang anim na plastic sachets na naglalaman ng 6.2 grams ng hinihinalang shabu na may kabuuang halaga ng P42,160 at dalawang folded aluminum foil strip kaya’t inaresto ang suspek.
Samantala, alas-2:15 naman ng madaling araw nang makarinig ng mga sigaw na “May tumatakas” mula sa female dorm ang mga roving jail officer at nang puntahan ang ikalawang palapag, namataan ang isang lalaki subalit bigla na lamang nitong tumalon patungong ground floor para tumakas.
Nang puntahan ng mga jail officer ang lugar kung saan bumagsak ang suspek, sinita nila ito ngunit naglabas nito ng patalim at tinangkang manlaban sa kapulisan.
Kasunod nito pinagtulungan siyang arestuhin ng mga jail officer at nakumpiska sa suspek na si alyas “Renato”, 41, ang isang plastic sachet ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P9,316, balisong, at P200 cash.
Napag-alaman na may isang linggo pa lamang nakalaya si Renato at muling naaresto dahil sa tangkang pagpuslit ng shabu para sa kakosang nakakulong kapalit ng pangakong bibigyan siya nito ng P20,000.
- Latest