MANILA, Philippines — Nag-plead ng not guilty si dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa Valenzuela Regional Trial Court (RTC) sa kasong graft.
Isinagawa ang pagdinig sa pamamagitan ng videoconference.
Matatandaan na nauna ng inihain ang graft case laban kay Guo sa korte sa Tarlac subalit inilipat ito sa Valenzuela
Ang complainant sa kaso ay ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan inakusahan ng ahensiya si Guo na nag-facilitate para makakuha ng permit to operate ang POGO firm na Hongsheng Gaming Technology mula sa Munisipiyo ng Bamban, Tarlac kahit pa nagpaso na ang lisensiya nito mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at nabigong makumpleto ang mga kinakailangang requirements.
Ang Hongsheng ay unang sinalakay ng mga awtoridad noong Pebrero 1, 2023 dahil sangkot ito sa cryptocurrency investment scam. Kalaunan binago ang pangalan ng POGO firm sa Zun Yuan Technology na umupa sa property na pagmamay-ari ng Baofu Corporation kung saan may investment si Guo.
Nilinaw noon ni Guo na nag-divest ito ng lahat ng kaniyang shares mula sa naturang real estate company nang manalo siyang alkalde ng Bamban noong 2022 elections.
Noong nakalipas na Marso 2024, sinalakay ng mga awtoridad ang Zun Yuan Technology dahil sa napaulat na human trafficking sa naturang kompaniya kung saan mahigit 400 dayuhang empleyado ang nasagip.