MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaki matapos na dalawang ulit na ma-hit-and-run ng magkasunod na motorsiklo kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit -Vehicle Traffic Investigation Section, biktima ng hit-and-run si Wilson Malalari, residente ng Jose Abad Santos, Tondo.
Dakong alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa northbound lane ng J. Abad Santos corner Tecson St.
Sa kuha ng CCTV ng Barangay 219 Zone 20, District 2, habang naglalakad sa 2nd lane ng patungong north ang biktima nang unang mabundol ng motorsiklo.
Dahil sa lakas ng impact, bumagsak sa kalye ang biktima at habang nakabulagta, humarurot naman ang isa pang parating na motorsiklo at nasagasaan ang ulo ng biktima.
Sa pagresponde ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office sa pangunguna ni Mark Aldain Romero Anajao, idineklarang dead on the spot ang biktima.