P10 milyong kush nasabat sa NAIA

Sinisiyasat ng mga awtoridad mula PDEG, Bureau of Customs, PDEA at Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang dalawang parcels mula US na naglalaman ng P10 milyong halaga ng marijuana kush.

MANILA, Philippines — Nasabat ng Philippine National Police Drug Enforcement  Group (PNP-DEG) sa Ninoy Aquino International Aiport (NAIA) ang nasa P10 milyong halaga ng high-grade marijuana o kush ka­makalawa ng umaga sa Parañaque City.

Ayon kay PNP- DEG Director PBGen. Elea­zar P Matta, naharang ang kargamento dakong alas-11:30 ng umaga nitong Huwebes.

Sa pangunguna ng kanyang mga tauhan  na nakatalaga kasama ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) at Intelligence Foreign and Liaison Division (IFLD), nasamsam ang  kontrabando sa Cargohaus facility.

Lumilitaw sa pagsisiyasat na galing sa  isang kompanya ng  tsaa sa Ohio, USA ang parcel at naka-consign sa address sa  Parañaque.

Nang suriin, nakita ang  dalawang parcel na may label na  “Jasmine Pearls Green Tea” at “Herbal Teas” na tumitimbang ng 7,154  grams at nagkakahalaga ng P10,015,600.00.

Sinabi ni Matta na ang pagkakasamsam ng mga illegal drugs ay bunsod ng pinaigting na  kampanya ng pulisya laban dito.

“The interception of this major drug shipment is a significant setback for criminal networks and a crucial win for public safety. This operation underscores our unwavering commitment to protecting families from the dangers of illegal drugs. We will continue to dismantle these networks to ensure a safer future for all,” ani  Matta.

Agad na dinala sa  PDEA Laboratory Service ang mga ebidensiya.

Show comments