Delivery van driver naipit sa karambola ng 6 sasakyan
MANILA, Philippines — Isang driver ng delivery van ang namatay nang maipit ang minamaneho nito sa karambola ng mga sasakyan, sa panulukan ng Osmeña Highway at Zobel Roxas St., northbound, Makati City, madaling araw ng Miyerkules.
Kinumpirma ng isang alyas “Elmer” na kasama niya sa trabaho ang nasawing 36-anyos na driver.
Sa ulat, alas-12:55 ng madaling araw kahapon Nobyembre 6, 2024 nang masangkot sa karambola ang anim na sasakyan na kinabibilangan ng isang 16-wheeler trailer truck, isang L-300 van, isang tanker, isang luxury SUV, at 2 pang kotse.
Apat naman ang iniulat na sugatan sa pangyayari.
Pinagtulungang alisin ng rescue team ang driver na naipit sa kaniyang sasakyan.
Dumating sa pinangyarihan ang pinsan ng biktima na nakipag-video call sa pamilya ng nasawi upang ipaalam ang pangyayari.
Nagdulot din ng pagsisikip ng trapiko ang insidente sa mga patungong Maynila.
Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng insidente.
- Latest