Online bentahan ng registered SIM, 7 arestado sa PNP-ACG

Subscriber identity module (SIM) cards

MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang pitong indibiduwal sa isinagawa nilang serye ng entrapment operation dahil sa iligal na online bentahan ng registered SIM sa Cainta, Valenzuela, Quezon City at Maynila.

Ayon kay PNP-ACG Director PBGen Ronnie Cariaga, ang operasyon ay bunsod ng sanda­makmak na reklamo sa opisina at maging sa social media hinggil sa operasyon kontra online SIM registration selling.

Ayon kay Cariaga, umaabot ang bentahan ng registered SIM mula P2,000 hanggang P3,500, mas mahal ang registered sim kung ito ay naka-link na sa iba’t ibang payment service providers.

Nasa 400 registered SIM naman ang nakumpiska ng PNP-ACG sa mga suspek na kinabibilangan ng apat na lalaki at tatlong babae.

Sinabi ng mga ito na napilitan lamang umano silang pasukin ang iligal na gawain dahil sa matinding panga­ngailangan at kanilang ikabubuhay.

Sa ngayon ay himas-rehas na ang mga ito at sinampahan na ng paglabag sa anti-financing account scamming at subsequent sale of registered sim ng Sim Registration Act.

Show comments