MANILA, Philippines — Umaabot sa P15 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) kasabay ng pagkakadakip sa anim na drug suspect sa magkakahiwalay na operasyon sa Quezon City.
Sa report na tinanggap ni QCPD Director, PCol. Melecio M Buslig, Jr., mula kay District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni PMAJ Wennie Ann Cale kinilala ang mga dinakip na sina Arlene Ann Goco, 36, residente ng Brgy. Plainview, Mandaluyong City; Lia Lauren Llige, 42, residente ng Brgy. Batis, San Juan City; Daryl Sarona, 26, residente ng Brgy. Batasan Hills, Quezon City; at Jerome Palacios, 49, residente ng Pateros, Metro Manila; Terence Concepcion, 43, residente ng Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City, at Mohammad Villar Dana, 36, ng Brgy. Tandang Sora, Quezon City.
Ang mga suspek ay naaresto ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni PMaj Wennie Ann Cale sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Ageny (PDEA)
Sa unang operasyon, ang mga suspek na sina Goco, Llige, Sarona, Palacios, 49, ay naaresto bandang 1:30 ng hapon nitong Martes (Nobyembre 5), sa No. 786, Aurora Blvd., Brgy. Kaunlaran, Quezon City.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 60 gramo ng high-grade marijuana (Kush) na nagkakahalaga ng P90,000; 400 pirasong ecstasy tablets na may halagang P680,000; isang litro ng marijuana kush oil na nagkakahalaga ng P1,200,000, at 20 piraso ng liquid marijuana vape na may halagang P30,000 na may kabuuang halaga na P2,680,000.
Bandang 2:30 ng hapon naman nitong Miyerkules, Nobyembre 6, naaresto sina Concepcion at Dana sa kahabaan ng Carlos P. Garcia Ave. malapit sa kanto ng Velasquez St., Brgy. UP Campus, sa lungsod.
Nakumpiska mula sa kanila ang 1,770 gramo ng shabu at 750 gramo ng methylenedioxymethamphetamine (MDMA), na may kabuuang halaga na P13,161,000.
Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Binabati ko ang mga operatiba ng DDEU, ganundin ang mga miyembro ng PDEA-NCR sa matagumpay na buy-bust operation na nagresulta sa pagkahuli sa mga drug suspects at pagkakumpiska ng malaking halaga ng ilegal na droga. Makakaasa ang QCitizens na tuluy-tuloy ang QCPD sa pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga upang masiguro na ligtas ang bawat mamamayan sa Lungsod Quezon,” pahayag ni P/Col. Buslig, Jr.