Higit 100 stall sa Commonwealth market natupok

Tupuk na tupok ang ilang mga stall sa Commonwealth Market matapos na sumiklab ang sunog kahapon ng madaling araw.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Mahigit pitong oras nilamon ng apoy bago tuluyang naapula ng mga bumbero ang nasa higit 100 stall sa Commonwealth sa Quezon City kahapon ng mada­ling araw.

Batay sa inisyal report ng Quezon City Fire Department, bandang alas-2:30 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa basement ng dry goods section ng palengke, kaya kanya-kanyang salba ng mga paninda ang mga tauhan at may-ari ng mga stall gaya ng saku-sakong mga bigas at iba pang mga groceries.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil bukod sa mga mantika ay mayroon pang mga panindang styro at mga plastic sa pinangyarihan ng sunog.

Sa isang stall pa lamang ay 200 sako ng bigas at 500 sako ng asukal na tig-50 kilo kada sako ang nasunog.

Ayon kay Fire Insp. Marvin Mari, hepe ng ope­rations ng QC Fire Department, 100 tenant na may-ari ng mahigit 100 stalls ang apektado ng sunog at halos walang naisalbang paninda ang mga ito.

Inamin naman ng mga bumbero na kaya tumagal ng pitong oras bago naapula ang apoy ay dahil hirap sila sa suplay ng tubig.

Ito ay dahil sa iisa lamang umano ang hydrant na malapit sa lugar at kinailangan pa umanong lumipat sa kabilang bahagi ng Commonealth Ave., ang mga fire trucks para makapag-karga ng tubig.

Wala namang napa­ulat na nasawi o nasaktan sa sunog na umabot sa ikalawang alarma.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung ano ang pinagmulan ng sunog at kung magkano ang halaga ng idinulot nitong pinsala.

Show comments