MANILA, Philippines — Dalawang drug suspect ang inaresto ng mga awtoridad matapos na mahulihan ng mga awtoridad ng P7.5 milyong halaga ng hinihinalang high grade marijuana o ‘kush’ sa isang joint buy-bust operation sa Mandaluyong City kamakalawa.
Ang mga suspek ay nakilalang sina John Fitz Jerard Salazar at Alison Mae Reyes, ng San Rafael St., Brgy. Plainview, Mandaluyong City.
Lumilitaw sa ulat na dakong alas-9:30 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Eastern Police District (EPD), Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Mandaluyong City Police, at Marikina City Police ang mga suspek sa joint buy-bust operation sa kanilang apartment
Nakatanggap umano ang mga awtoridad ng impormasyon hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t nagkasa ng operasyon.
Isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer at nakabili ng isang self-sealing transparent plastic bag na naglalaman ng hinihinalang high-grade marijuana (Kush) mula kay Salazar, na nagkakahalaga ng P50,000.
Nang tanggapin ni Reyes ang marked money ay kaagad na silang inaresto ng mga awtoridad.
Ayon kay EPD officer-in-charge PCOL Villamor Tuliao indikasyon ito na hindi titigil ang Team PaMaMariSan na linisin ang komunidad laban sa illegal drugs.
Ani Tuliao, kabuuang limang kilo ng kush ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek, na may estimated street value na P7,500,000.
Ang mga suspek ay nakakulong na sa Mandaluyong Police Custodial Facility at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002.