MANILA, Philippines — Sagot na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pabalik-balik na pagpapagamot at pagpapaospital dulot ng kaparehong sakit sa loob ng 90 araw.
Ito naman ang magandang balita ng PhilHealth kung saan nagsimula na ito noong Oktubre 1, 2024 matapos na alisin ang Single Period of Confinement o SPC rule.
Nabatid na ipinatupad ang SPC noong panahon ng Medicare, kung saan limitado lamang sa isang beses ang bayad para sa mga pasyenteng paulit-ulit na nao-ospital dahil sa parehong sakit o operasyon sa loob ng 90 araw.
Dahil sa polisiyang ito, ang mga miyembro ng PhilHealth ay napipilitang magbayad ng buo sa kanilang hospital bills o kaya ay hindi nababayaran ang mga hospital claims.
Ayon kay PhilHealth Chief Emmanuel R. Ledesma, Jr., matapos ang masusing pag-aaral, inalis na nila ang naturang polisiya upang lalong matiyak na tuloy-tuloy ang benepisyo para sa mga pasyenteng may pabalik-balik na sakit.
“Ang hakbang na ito ay pagtupad sa aming pangako na lubusin ang mga benepisyo para sa miyembro na kailangan nila sa kanilang paggaling,” aniya
Ayon kay Ma. Celia Buñag, Supervising Administrative Officer ng Quezon City General Hospital, malaking tulong ang pagtatanggal ng SPC dahil karamihan sa mga pasyente ay may recurring illness tulad ng pneumonia o chronic obstructive pulmonary disease.
Samantala, ipinaalala naman ng PhilHealth sa mga miyembro na maaaring magamit ang anumang benepisyo sa loob ng 45 araw sa buong taon, maliban sa hemodialysis benefits package dahil mayroong nakalaang hiwalay na 156 sessions sa bawat taon para dito.
Patuloy na tiniyak ni Ledesma na hindi sila titigil para mas mapabuti ang mga benepisyo sa lahat ng Pilipino.