Obrero hinataw ng golf club sa ulo, todas
MANILA, Philippines — Patay ang isang construction worker matapos paluin sa ulo ng golf club ng nakaalitang kapitbahay Sabado ng hapon sa Quezon City.
Kinilala ang biktimang si Ronald Pepito Villegas, 39, nakatira sa Building F Unit 8 Bistek Ville 4, Barangay Culiat, Quezon City.
Pinaghahanap naman ang suspek na si Zaldy Potugal Timado, 47.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), bandang 1:30 ng hapon ng Nobyembre 2 nang maganap ang insidente sa Bistek Ville 4, Metro Heights compound, Brgy. Culiat, Quezon City.
Ayon kay PCpl Errika M. Casupanan, sinugod umano ng biktima ang suspek sa bahay nito at nagtalo tungkol sa pintura ng aerosol.
Nagalit ang suspek at itinulak ang biktima na umuwi ng kanyang bahay at pagbalik ay may dala ng kutsilyo at kadena.
Nakita ng suspek ang mga bitbit ng biktima kaya kinuha naman nito ang golf club sa kanyang bahay saka hinabol ang biktima at nang maabutan ay pinaghahampas ng ilang beses sa ulo.
Isinugod pa ang biktima sa Quezon City General Hospital at kalaunan ay inilipat sa East Avenue Medical Center kung saan idineklara itong dead-on-arrival dakong 5:52 ng hapon, ni Dr. Tulip John T. Micarandayo.
Narekober ng mga awtoridad ang golf club sa bahay ng suspek na ginamit nito sa krimen.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa nangyaring krimen habang tinutugis pa ang nakatakas na salarin.
- Latest