MANILA, Philippines — Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 46-anyos na babaeng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang matuklasang peke ang departure stamp sa kaniyang passport.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na intercept ang babaeng biktima ng human trafficking noong Oktubre 27 sa NAIA Terminal 3 na sasakay sana ng AirAsia flight papuntang Macau ngunit naharang sa primary inspection counter ng BI.
Unang pakilala ng biktima na dating siyang Overseas Filipino Worker (OFW) na bibiyahe sa Macau bilang isang turista.
Gayunman, inamin ng biktima na balak niyang magtrabaho muli sa Macau nang walang tamang dokumentasyon.
Ibinunyag ng biktima na pinangakuan siya ng easy immigration at document assistance sa pamamagitan ng Facebook, at siningil siya ng recruiter ng P40,000 para sa umano’y escort services, na lumabas na isang scam.
Ang biktima ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa kanyang mga recruiter.