384 ‘unclaimed cadavers’ ng PDLs sa NBP Cemetery - BUCOR

Pinayagan ng pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang ilang mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) na maka-video calls ang kanilang mga pamilya na dumalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

MANILA, Philippines — Iniulat ng Bureau of Corrections (BuCor) na umaabot sa 384 ang ‘unclaimed cadavers’ na nakalibing sa New Bilibid Prison (NBP) Cemetery.

Bilang paggunita sa All Souls’ Day, ang BuCor ay nag-alay ng sabay-sabay na mass offering kahapon ng umaga sa iba’t ibang operating at prison farms para sa mga person deprived of liberty (PDL) na namatay habang nakapiit.

Ipinag-utos din ni Bucor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. sa mga superintendent na maglagay ng isang malaking korona ng bulaklak para sa mga namayapang PDL sa kani-kanilang nasasakupan bilang simbolo ng pagkakaisa sa pag-alala at pagbibigay-galang.

Isinagawa rin ang misa at pagsisindi ng mga kandila, kung san binigyang-diin ang mga kamakailan lang na inilinig na 20 PDLs sa NBP Cemetery dahil hindi na kinuha ng mga kamag-anak.

“Nakakaawa naman dahil may 20 PDLs na pinalibing natin kamakailan  sa NBP Cemetery ang hindi na madadalaw ng kanilang pamilya kaya inatasan natin si NBP Superintendent, Chief Inspector, Roger Boncales na magtirik ng kandila sa puntod ng bawat isa sa kanila, “ ani Catapang.

Kabilang ang 20 PDLs na inilibing noong Okt. 24, 2024 sa 384 unclaimed cadavers na inalayan ng tig-iisang kandila.

Samantala, pinayagan din ang virtual o video calls ng mga PDLs sa kanilang kaanak na karaniwang nagtutungo sa mga sementeryo para dumalaw sa kanilang namayapang mahal sa buhay.

Show comments