Bangkay lumutang sa pumping station sa Navotas

MANILA, Philippines — Nagsasagawa nga­yon ng imbestigasyon ang Navotas City Police sa bangkay ng isang dalagita na natagpuang palutang-lutang sa pumping station sa nasabing lungsod.

Inilarawan ang biktima na nasa edad na 15 hanggang 20, may taas na 5” hanggang 5’2 at nakasuot ng itim na Levi’s t-shirt at checkered­ na shorts.

Ayon kay Navotas City Police Chief PCol. Mario Cortes, wala pa ring mga kaanak na kumikilala sa bangkay.

Sa ulat, papalaot na sana upang mangisda sina Jonathan Rendon, 31, Nelson Santos, 62, at kapatid na si Jonjon 40, nang makita nila ang nakadapa at lumulutang na katawan ng biktima sa tabi ng pumping station sa Pescador St. Brgy Bangkulasi noong Oktubre 24 ng pasado alas-4 ng hapon kaya ipi­nabatid nila ito sa Navotas Police Sub-Station 3.

Mga tauhan naman ng Navotas Disaster Risk Reduction and Ma­nagement Office (NDRRMO) ang nag-ahon sa biktima at bago ilagay sa cadaver bag, sinuri muna ng mga operatiba ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) ang bangkay at lumabas na wala silang nakitang sugat sa katawan na isang palatandaan na walang nangyaring karahasan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso.

Show comments