Mga kandidato sa Quezon City pinaalalahanan sa pagkakabit ng campaign materials
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga kandidato sa May 2025 elections na maging responsable at ikabit ang mga political banners at tarpulin sa tamang lugar lamang.
Ginawa ni Belmonte ang pahayag ilang araw bago ang opisyal na pagsisimula ng kampanya.
“Bilang mga public servant at mga nagnanais pumasok sa gobyerno, kailangan nating sumunod sa mga patakaran ng pamahalaan. Irespeto natin ang ganda ng Lungsod Quezon at iwasan natin ang pagkakalat ng ating mga political at advertising paraphernalia,” pahayag ni Belmonte.
Base sa City Ordinance No. SP-2021 S-2010, lahat ng political propaganda sa Quezon City ay dapat na ilagay sa common posting areas na Itinakda ng Commission on Elections (COMELEC).
Ipinagbabawal ng ordinasa ang pagkakabit ng election materials sa mga poste ng Meralco, public utilities at facilities gaya ng street signs, traffic lights, signal posts, mga tulay, at overpass sa lungsod.
Kabilang sa mga Ipinagbabawal ang streamers, tarpulin, tin-plates, stickers, pamphlets, decals, printed notices, signboards, billboards, at iba pang advertising paraphernalia.
Ayon kay Belmonte, kada barangay sa lungsod ay mayroong COMELEC-designated Poster Area na hindi makaapekto sa electric post, mga puno, at government wall o building.
- Latest