Milyon dumagsa sa mga sementeryo sa Metro Manila

Mistulang reunion ng mga pami-pamilya ang pagdalaw sa Manila Memorial in Parañaque City kahapon sa paggunita sa All Saints Day.

MANILA, Philippines — Milyun-milyong katao ang dumagsa kahapon sa mga sementeryo sa lungsod ng Maynila upang bumisita sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), nabatid na hanggang alas-2:00 ng hapon nitong Nobyembre 1, umaabot na sa 840,000 ang mga taong bumisita sa Manila North Ce­metery habang 1,217 naman ang mga prohibited items na nakumpiska.

Sa kabila naman ng mga paalala ng mga awtoridad, nakakum­piska pa rin sila ng libu-libong prohibited items na kinabibilangan ng 23 na bladed weapon, 10 gambling materials, 389 flammable materials, 440 sigarilyo, at 335 pabango.

Hanggang 3:00PM naman, umaabot na sa 76,300 ang mga taong bumisita sa Manila South Cemetery habang 946 naman ang nakum­piskang prohibited items.

Kabilang dito ang 10 bladed weapons, 311 flammable material, 624 sigarilyo, at 1 baraha.

Hanggang 1:00PM naman, umaabot na sa 20,200 ang mga taong bumisita sa Laloma Catholic Cemetery habang walang kontrabandong nakumpiska.

Nasa 6,050 naman ang naitalang bumisita sa Manila Chinese Ce­metery hanggang alas 3 ng hapon at may 10 bote ng nakalalasing na inumin na nakumpiska.

Sa kabuuan, naging mapayapa ang paggunita ng Undas sa Maynila at walang naitalang anumang untoward incidents.

Samantala, umaabot naman sa  114,892 ang   crowd estimate na naitala ng  Quezon City Police District (QCPD) bandang alas-6 ng gabi habang 56,442 naman bandang  alas-3 ng hapon sa Caloocan City at 10,112 ang nagtungo sa Tugatog Public Ce­metery hanggang alas-6 ng gabi.

Show comments