Ni-raid na condo sa Maynila, ‘Mother of all POGO hubs’-PAOCC

Ayon sa PAOCC, ang naturang condominium ay naging “taguan” ng ilegal na mga aktibidad ng POGO sa bansa, kabilang na ang mga dating nakabase sa POGO hub ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

MANILA, Philippines — Itinuturing ng  Presidential Anti- Organized Crime Commission (PAOCC) na “Mother of all POGO hubs”  ang sinalakay na 40 palapag na condominium  kamakailan sa Adriatico, Maynila kasabay ng pahayag na hindi sila titigil sa kanilang  operasyon laban sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Ayon sa PAOCC, ang naturang condominium ay naging “taguan” ng ilegal na mga aktibidad ng POGO sa bansa, kabilang na ang mga dating nakabase sa POGO hub ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Lumilitaw na pagmamay- ari ng Chinese ang gusali na umano’y nagpapakilalang  “untouchable” dahil sa malalakas na koneksyon sa ilang mga ahensya ng gobyerno. Ipinagmamalaki rin ng Chinese ang kanyang pagkakalapit sa dating Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre at iba pang opisyal ng Duterte administration.

Maraming palapag ng gusali ang ginawang pansamantalang opisina ng mga hindi rehistrado at hindi reguladong mga operator.

Napag-alaman na ang ginawang  pagsalakay na nagresulta sa pag-aresto ng halos isang libong katao, kabilang ang 69 na dayuhan na umano’y sangkot sa ilegal na mga aktibidad, ay bunga ng masusing ­operasyon na pinangunahan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil, National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PMGen. Sidney Hernia, at PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) Director PMGen. Ronnie Cariaga, kasama ang suporta ng iba pang unit ng pulisya.

Ang matagumpay na pagsalakay ay pagpapakita ng  paninindigan PAOCC at PNP na buwagin at puksain  sa mga krimen na may kaugnayan sa online scams, ilegal na sugal, at human trafficking.

Dagdag ng PAOCC, dapat na iturn over agad sa Bureau of Immigration (BI) ang mga nahuling undocumented na dayuhan para sa tamang proseso at deportation. Subalit nakakapagtakang tinatanggihan umano ng BI ang mga dayuhan na indikasyon ng impluwensiya ang nasabing Chinese national.

Giit pa ng PAOCC,  dapat nang mabuwag ang koneksiyon ng maimpluwensiyang dayuhan upang matapos na ang mga illegal activities.

 

Show comments