Libreng cremation alok ng Marikina LGU sa mga labing hinukay

Marikina Map.
Philstar.com / File

MANILA, Philippines — Inanunsiyo kahapon ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na maglalaan ng  libreng cremation ang pamahalaang lungsod sa mga labi na hinukay sa Barangka Public Ce­metery ng walang kaukulang permiso.

Ayon kay Teodoro, nakikipag-ugnayan na sila sa mga pamilya ng mga hinukay na labi na sa kasalukuyan ay nakalagay  sa isang temporary holding facility.

Base aniya sa ­inisyal na accounting ng City Health Office (CHO), nasa 65 na human remains na ang nahukay mula sa sementeryo ngunit maaaring madagdagan pa ito dahil tuluy-tuloy pa ang ginagawa nilang pagbibilang.

Pagkakalooban din naman aniya nila ang mga ito ng opsiyon na ilipat ang mga labi ng kanilang mga yumao sa ossuary o sa columbarium.

“At yung iba na gugustuhing ma-cremate, paki-cremate natin ng libre at ilalagay natin sa columbarium,” ani Teodoro.

Aniya,maaa­ring kontakin ng mga apektadong pamilya ang bagong pangasiwaan ng Barangka Public Ce­metery o ang Marikina City Health Office na pinamumunuan ni Dr. Christopher Guevara hinggil dito.

Nakatakda rin ­aniyang magdaos ang pamahalaang lungsod ng banal na misa sa Barangka Public Ce­metery ngayong Sabado, Nobyembre 2, bilang pagbibigay-respeto sa mga hinukay na labi.

Matatandaang sinampahan ng Marikina LGU ng kaso ang  administrador at mga tauhan ng Barangka Cemetery matapos na hukayin ang mga la­bing nakalibing doon ng walang kaukulang permiso.

Una nang ipinatigil ni Teodoro ang paghuhukay ng mga li­bingan, na sumasailalim sa rehabi­litasyon.

Show comments