Back-to-back na parangal, nakopo ng Quezon City mula sa PCCI at Galing Pook Awards
MANILA, Philippines — Nakakuha ang Quezon City government ng back-to-back na parangal mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Galing Pook Awards.
Ang Quezon City Birth Registration Online (QC BRO) program ay kinilala bilang isa sa 10 na panalo sa 2024 Galing Pook Awards sa isang seremonya sa Malacañang na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tinanggap ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang award kasama si BPLD Head Margie Mejia at SBCDPO Head Mona Celine Yap sa ginanap na 50th Philippine Business Conference sa Marriott Hotel sa Pasay City.
“Tayo’y nagpapasalamat sa mga napakahalagang pagkilala na iginawad sa ating siyudad nitong mga nakaraang araw. Ang mga parangal na ito’y matibay na patunay na epektibo ang mga ginagawa nating programa para sa QCitizens at para sa paglago ng ekonomiya ng ating lungsod,” pahayag ni Belmonte.
Mula nang mailunsad noong 2022, ang QC BRO ay nasa higit 59,000 kabataan ang matagumpay na nairehistro na walang bayad.
Una rito, nasungkit din ng QC ang “Most Business-Friendly LGU” award para sa ikalawang taong pagkapanalo ngayong taon, para sa highly urbanized cities category mula sa PCCI.
Higit na lumago ang ekonomiya ng QC dahil sa pinaigting na programa, innovations at system updates ng Business Permits and Licensing Department (BPLD), Small Business and Cooperatives Development and Promotions Office (SBCDPO), Local Economic Investment Promotions Office (LEIPO), at ibang department members ng Economic Development and Investment Board (EDIB) kabilang na ang pinaigting na digitalization ng permits, document processing, MSME development at iba pang financial at training support
Ngayong Oktubre, nagtala ang QC LGU ng higit 9,400 bagong business registrants na halos kapareho ng bagong business registrants ng taong 2023.
- Latest