Paglobo ng leptospirosis, binabantayan – DOH

Sinabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, sa susunod na dalawang linggo ang posibleng paglobo ng bilang ng tinamaan ng nasabing sakit.
STAR / File

Matapos manalasa si ‘Kristine’

MANILA, Philippines — Binabantayan na ng Department of Health (DOH) ang inaasahang muling pagtaas ng bilang ng mga kaso ng leptospirosis matapos ang mga pagbaha sa maraming lugar sa bansa na idinulot ng bagyong Kristine.

Sinabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, sa susunod na dalawang linggo ang posibleng paglobo ng bilang ng tinamaan ng nasabing sakit.

Aniya, bumaba na ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis batay sa datos ng DOH, bago ang pananalasa ng bagyong Kristine.

“In the next two weeks, nakabantay ang DOH kasi ina-anticipate natin na tataas ang mga kaso ng leptospirosis dahil sa rami ng mga nabaha hindi lang sa Bicol, [kundi] nationwide,” ayon kay Domingo sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Nanawagan si Domingo sa publiko na lumusong sa baha na agad magpakonsulta sa mga health centers o doktor sa mga eva­cuation centers upang ma-assess kung kaila­ngan silang uminom ng Doxycycline, na gamit na antibiotics at prophylaxis laban sa leptospirosis.

Ang leptospirosis ay bacterial infection na nakukuha sa ihi ng mga daga na nakahalo sa baha na may incubation period na 2-30 araw. Kabilang sa sintomas ang lagnat, pagsusuka, pananakit ng kasu-kasuan, naduduwal, at pananakit ng ulo.

Show comments