MANILA, Philippines — Ginawaran ang Lungsod ng Taguig ng Galing Pook Award para sa kanilang makabago at epektibong programa kontra breast cancer—ang “Ating Dibdibin.” Ang parangal na ito ay pagkilala sa mga inobasyon ng lokal na pamahalaan na may positibong epekto sa mga komunidad.
Sa 147 entry mula sa 111 na lokal na pamahalaan, napabilang ang Taguig sa 18 na finalist at napili bilang isa sa 10 na nanalo ng Galing Pook Awards 2024.
Itinatag noong 2012 katuwang ang ICanServe Foundation, ang “Ating Dibdibin” ay isang programang nakatuon sa maagang pagtuklas at paggamot ng breast cancer. Pinagtibay ito sa pamamagitan ng mga lokal na ordinansa at may sistema ng patient navigation na nagsisilbing modelo para sa ibang lokal na pamahalaan.
Sa tulong ng mga sinanay na barangay health worker bilang patient navigator, tinitiyak ng programa na ang bawat pasyente ng breast cancer ay may gabay mula sa pagsusuri, paggamot, hanggang sa suporta sa kanilang pangangailangan—lahat ay libre.
“We believe every breast cancer patient deserves a second chance at life. Every home deserves a happy, healthy mother, sister, or daughter. We continue to intensify our efforts to keep families together. Ating Dibdibin ang laban sa breast cancer,” ani Mayor Lani.
Ang programa ay nakapagpataas ng rate ng breast cancer screening sa Taguig sa 8.48%, halos apat na beses ng pambansang average na 2.3%. Nakabawas ito ng malaki sa mortality rate ng breast cancer sa lungsod, na bumaba sa 17%, kumpara sa pambansang average na 36%.
Sinuri ang tagumpay ng Taguig batay sa mga pamantayan ng positibong resulta, partisipasyon ng mamamayan, inobasyon, at pagpapanatili.
“The City of Taguig remains committed to providing the best. We will soon open a bigger breast cancer center to accommodate more patients. We will upgrade equipment, continue to provide quality cancer care, and provide a more holistic survivorship and supportive care for patients,” dagdag pa ni Mayor Lani.