MANILA, Philippines — Bagamat marami na ang nagsibalikan sa kanilang mga tahanan, nasa 1,646 na pamilya pa ang nananatili sa evacuation centers sa Maynila na patuloy na kinakalinga ng pamahalaang lungsod.
Tiniyak kahapon ni Manila Mayor Honey Lacuna na patuloy pa rin na inaalalayan ang mga pamilya sa kanilang kalagayan kabilang ang pagbibigay ng makakain at mga gamot.
Nakaantabay pa rin ang medical teams sa evacuation centers sakaling may pangangailangan ang mga evacuees na nagmula sa District 1, 2 , 3, 5 at 6.
Samantala, nasa 244 tonelada ng basura ang nakolekta sa lungsod matapos ang pananalasa ng bagyong Kristine..
Samantala, sa Muntinlupa City, nasa 590 pamilya o 2,162 katao sa 15 evacuation centers kaugnay sa nagdaang bagyong Kristine, ayon sa Muntinlupa Social Services Department.
Patuloy din ang paghahatid ng local na pamahalaan ng mga pangunahing pangangailangan kabilang ang pagkain at malinis na inumin.
Sa Pasay City, nakasara na ang lahat ng evacuation centers pagsapit ng alas-4:00 ng hapon ng Biyernes, Oktubre 25, matapos magsiuwian na sa mga bahay-bahay ang nasa 261 pamilyang inilikas sa kasagsagan ng bagyo.