Patay na sanggol iniwan sa Quezon City bus terminal, magdyowa huli sa Nueva Ecija

MANILA, Philippines — Isang patay na sanggol ang nadiskubre sa palikuran ng isang bus terminal sa Cubao, Quezon City kamakalawa kung saan naaresto naman sa operasyon ng pulisya sa Nueva Ecija ang magkasintahan na hinihinalang nag-iwan sa sanggol.

Nakakabit pa ang pusod at nababalutan pa ng placenta ang sanggol nang makita ng isang vendor na nasa gilid ng drum sa comfort room ng bus terminal sa Cubao, bandang alas-6 ng gabi nitong Miyerkules. Tinatayang nasa 45 sentimetro ang sanggol na inabandona.

Sa pagsisiyasat ng Quezon City Police District, nahagip ng CCTV camera ng terminal ang paglabas ng isang lalaki at babae sa CR.

Kita rin sa video fooatge na hawak ng babae ang sanggol na nababalutan ng t-shirt.

Ayon kay E. Rodriguez Brgy. Capt. Marciano Agua Jr., magkasintahan ang dalawang suspek at patungo ng Gapan, Nueva Ecija matapos na iwan ang sanggol.

Naging susi sa pagkakadakip sa mga suspek ang t-shirt na pinangpandong ng lalaki sa kanyang ulo at sa ginamit sa sanggol bago nila ito iwan.

Agad na kinontak ng bus terminal ang konduktor ng bus hanggang sa abangan sa Gapan, Nueva Ecija ang magkasitahan. Nagsagawa rin ng koordinasyon ang QCPD sa Penaranda Police Station na nagresulta sa pagkakadakip sa magkasintaan.

Show comments