P103.8 bilyong Las Piñas-Parañaque coastal bay reclamation, iniapela kay Pangulong Marcos

MANILA, Philippines — Umapela kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang proponent at general contractor ng naantalang P103.8 bilyong Las Piñas-Parañaque Coastal Bay Reclamation Project na aprubahan ang compliance certificate kasunod ng paborableng desisyon ng Korte Suprema.

 Noong 2009, nagsumite ang Alltech Contractors, Inc. ng unsolicited propo­sals sa Las Piñas at Parañaque city go­vernments para sa development, finan­cing, engineering, design, at reclamation ng 381.26 ektarya ng lupa sa Las Piñas at 174.88 ektarya ng lupa sa Parañaque, na nakakasakop sa parehong lungsod.

 Dahil dito, naglabas ang mga konseho ng lungsod ng Las Piñas at Para­ñaque ng kaukulang mga resolusyon na nagpapahintulot sa kani-kanilang mga alkalde ng lungsod na tingnan at alamin ang panukala sa ilalim ng Joint Venture Agreement (JVA).

Matatandaang noong Oktubre 31, 2021 nang magpasiya ang Korte Suprema sa botong 11-2, na pumabor sa reclamation project ng 530 ektarya ng Manila Bay coastline sa Las Piñas-Parañaque, dahil sa kabiguan na mapatunayan na may banta ito sa kapaligiran.  

Iminumungkahi sa desisyon ng SC na maaaring ituloy ng pamahalaang lungsod ng Las Piñas ang reclamation project sa kabila ng pagtutol ng mga residente, ayon kay incumbent Las Piñas Councilor Mark Anthony Santos.

 Sinabi ni Santos, ang malakihang proyekto ay naglalayon na lumikha ng mixed-use na lupa para sa mga layu­nin ng tirahan, komersyal, at industriya, na may mga bagong pagpapaunlad ng imprastraktura tulad ng mga kalsada at tulay upang suportahan ang lugar.

 Sinabi ng konsehal na ipinaalam sa kanya ng Alltech Contractors Inc. na handa silang simulan ang proyekto sa lalong madaling panahon ngunit hinihintay pa rin ang pag-endorso ng Malacañang.

Bukod sa pagkakaroon ng trabaho, ang proyekto ay lilikha aniya ng P5 bilyong halaga ng mga buwis o kita para sa pambansang pamahalaan, gayundin ang mga lokal na buwis tulad ng P10 bilyon sa real property tax at P300M-P500 milyon sa business tax, dagdag ni Santos.

Show comments