MANILA, Philippines — Sa pagdeklara ng heightened alert ng National Capital Region Police Office (NCRPO), alas-12:00 ng hatinggabi ng kamakalawa ay agad nang nag-deploy ng 875 na tauhan sa binuhay na Reactionary Standby Support Force (RSSF) para tumugon sakaling may emergencies.
Inatasan ni NCRPO Acting Regional Director P/Major General Sidney Hernia ang mga tauhan na tiyakin ang kaligtasan ng publiko habang mapanatili ang kaayusan sa buong rehiyon.
Nabatid na 466 ang itinalaga sa mga evacuation center at pangunahing installation sa buong Metro Manila sa pakikipagtulungan sa local government units at iba pang ahensya para paghandaan ang bagyo.
Sa kabuuan, may 598 evacuation centers ang nakahanda para ma-accommodate ang mga indibidwal at pamilyang apektado ng masamang panahon, bagama’t walang naiulat na malalaking insidente.
Nakamonitor din sa sitwasyon ang Regional Tactical Operations Center (RTOC) sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.
May itinalaga ring tauhan sa mga paliparan kung saan may halos libong pasahero ang na-stranded dahil sa kanseladong flights.