MANILA, Philippines — Bumagsak sa kamay ng Quezon City Police District Anonas Police station 9 ang sinasabing lider ng “criminal gang” matapos mahulog sa sinasakyang motorsiklo nang takasan ang checkpoint sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay PLt. Col. Zachary Capellan, hepe ng Anonas Police Station (PS 9), pinara sa checkpoint sa Duyan-Duyan, ang sinasakyang motorsiklo ng 36- anyos na suspek pero sa halip na huminto ay pinaharurot pa ng kasama nito.
Dahil dito ay hinabol ng mga operatiba ng PS-9 ang motorsiklo hanggang malaglag ang backrider na suspek na nagresulta sa pagkakadakip nito.
Nakumpiska sa suspek ang isang .38 revolver na kargado ng mga bala.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ang suspek ay lider umano ng “Pablo Criminal Gang” na sangkot sa mga holdapan, akyat-bahay at iba pa sa lugar na sakop ng PS 9.
Nabatid na ika-4 na beses nang nakulong ang suspek sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga at gambling.