MANILA, Philippines — Ide-deploy na lamang ang lahat ng quick response assets at mga tauhan sa pagresponde sakaling maapektuhan ng bagyong Kristine ang mga lugar na binabaha, sa Pasay City, ayon Kay Mayor Emi Calixtri-Rubiano kahapon.
Nabatid na alas-8:00 ng gabi ng Martes ay nag-convene ang Pasay City DRRM at council members Public Information Office, Administration Office, City Health Office, Pasay Social Welfare and Development Office, Pasay City Environment and Natural Resources Office (CENRO), Traffic, Engineering, Pasay City Public Order and Safety Unit (Posu), PNP, BFP, at iba pang may departamento at opisina, na may kinalaman sa disaster response at public information.
Nagbigay ng direktiba ang alkalde na tumutok sa magiging epekto ng bagyo habang may nakaantabay din sa lobby ng city hall ang mga rubber boats at ipa pang quick response assets na nakahandang ideploy anumang oras kung kinakailangan.
Aniya, mas mabuting nakahanda at pro-active sa anumang banta ng sakuna kaya siya mismo ang nag-iikot sa mga lansangan sa Lungsod Pasay upang paalalahanan ang publiko at tiyaking walang mapeperwisyong buhay, ari-arian at kabuhayan dahil sa pananalasa ng bagyong Kristine.
Manatili rin aniyang nakatutok sa Facebook page ng Public Information Office para sa mga anunsyo at mahahalagang impormasyon ukol sa sitwasyon at lokasyon ng bagyo, gayundin ang mga abiso para sa dagliang tulong at relief operations.